Mas mababang budget proposal ng ilang ahensiya, kinuwestiyon sa Kamara

by Radyo La Verdad | August 1, 2018 (Wednesday) | 3421

Sinimulan nang talakayin ng House Committee on Appropriations ang 3.757 trilyong piso na panukalang budget ng pamahalaan para sa susunod na taon.

Sa deliberasyon kahapon, iprinisinta sa pangunguna ng Department of Budget and Management (DBM) kung anu-ano ang pagkakagastusan ng pamahalaan.

Pero agad na kinuwestiyon ng mga kongresista kung bakit mas mababa ng sampung bilyong piso ang panukalang budget sa susunod na taon kumpara sa 2018 national budget.

Pangunahing kinuwestiyon ni House Committee chair Karlo Nograles ang mas mababang pondo ng Department of Education (DepEd), Department of Health (DOH) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Ayon kay Rep. Nograles, nakapaloob sa budget reform bill na Kongreso lamang ang may karapatang magbawas ng pondong ilalaan para sa mga ahensya.

Paliwanag naman ni Budget Sec. Benjamin Diokno, hindi maaaring ikumpara ang 2018 national budget sa pondo para sa 2019 dahil cash-based na ang pondo sa susunod na taon.

Obligation-based ang sistema noong 2018, ibig sabihin maaring pumasok sa kontrata ang pamahalaan kahit na wala pang aktwal na materyales o mga gagamitin para sa isang proyekto ng isang ahensya sa kasalukuyang taon.

Dagdag pa niya, hindi pa nagagastos ng ibang ahensiya ang pondong inilaan sa kanila ngayong taon.

Ang DOH halimbawa, may 30.2 bilyong piso na pondo para sa pagpapatayo ng barangay health units at barangay health stations pero hindi pa halos ito nagagalaw dahil itinigil ng ang programa.

35 bilyong piso ang binawas sa budget ng DOH habang tinapyasan din ng 77 bilyong piso ang budget ng DepEd at 95 bilyong piso sa DPWH.

Binawasan din ng tig-limang bilyong piso ang pondo ng DSWD at ng Comelec.

Samantala, sa kabuoan bagaman binawasan ang pondo ay nangunguna pa rin ang education cluster sa may pinakamataas na pondo, kasunod ang DPWD, DILG, DND, DSWD, DOH, DOTr, DA, Judiciary at ang ARMM.

Tatagal hanggang ika-29 ng Agosto ang pagtalakay ng Kamara sa panukalang budget ng iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

Tags: , ,