Mary Jane Veloso, binigyan ng last minute reprieve ng Indonesian Government; pagbitay, ipinagpaliban

by Radyo La Verdad | April 28, 2015 (Tuesday) | 1399

mary-jane-veloso

Pansamantalang ipinagpaliban ng Indonesian Government ang pagbitay kay Mary Jane Veloso matapos siyang bigyan ng last minute reprieve.

Sa report ng Indonesian TV, iniulat ang pagpapaliban sa execution ni Veloso matapos umano itong ipag-utos ni Pres. Joko Widodo.

Hindi pa malinaw ang dahilan kung bakit nabigyan ng reprieve si Veloso pero sinasabing bibigyang-daan ang legal proceedings sa Pilipinas ngayong nasa kustodiya na ng mga pulis at sinampahan na ng reklamo ang umano’y recruiter ni Veloso.

Maliban kay Veloso, natuloy ang pagbitay sa pamamagitan ng firing squad sa 8 pang foreign drug convicts sa kabila ng mga apela..

Una nang napaulat bandang alas-otso kagabi na sinimulan na ang proseso ng execution sa Nusa Kambangan Island pero bandang alas-dos ng madaling araw nang lumabas ang ulat hinggil sa ibinigay na reprieve.

Sakaling natuloy ang firing squad, mas pinili umano ni Mary Jane na sumalang sa firing squad nang walang piring, walang posas at nakaluhod.

Bago ito, sinubukan pa ni Pangulong Aquino na maisalba si Mary Jane sa death row sa pamamagitan ng pagtawag sa Foreign Ministry para imungkahing gawin na lang itong testigo laban sa drug syndicate.

Una nang hindi pinagbigyan ni Pres. Joko Widodo ang hiling niyang executive clemency matapos tanggihan ng korte sa Indonesia ang ikalawang apela na magkaroon ng Judicial review sa kaso.

Tags: , ,