Disyembre ngayong taon ay matatapos na ang idineklarang extension ng martial law sa Mindanao.
Ngunit bago pa man ito ay pinag-iisipan na ng Malakanyang na palawigin ito sa ikalawang pagkakataon.
Bunsod ito ng pagsabog na nangyari sa Sultan Kudarat noong Martes ng gabi kung saan dalawa na ang kumpirmadong nasawi habang mahigit tatlumpu naman ang sugatan.
Unang idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas militar sa Mindanao noong Mayo 2017 dahil sa kaguluhan sa Marawi City.
Nagtapos ito noong Oktubre 2017 ngunit hiniling ng Pangulo sa Kongreso na ma-extend dahil sa aniya’y natitirang security threat sa rehiyon. Hindi naman sang-ayon sa panibagong extension si Vice President Leni Robredo.
Duda ito na baka hindi pa rin maging epektibo ang batas militar para masugpo ang mga karahasang nangyayari sa Mindanao.
Samantala, isinisi naman ni Bayan Muna partylist Representative Carlos Zarate sa failure of intelligence kaya nangyaring pagsabog sa Sultan Kudarat, pero pinabulaan ito ng PNP.
Sa isang statement, sinabi naman ni Davao City Mayor Sara Duterte na handa silang sumunod kung muling idedeklara ng pamahalaan, partikular na ang Office of the President ang extension ng martial law sa Mindanao.
( Grace Casin / UNTV Correspondent )
Tags: Marawi City, martial law., Sultan Kudarat