Martial law, patuloy na iiral sa Mindanao hangga’t nananatili ang mga terorista- Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | October 20, 2017 (Friday) | 2926

Mananatiling nasa ilalim ng martial law ang Mindanao region sa kabila ng pagkakapatay sa mga terrorist leader na sina Isnilon Hapilon, Omar Maute at ang foreign terrorist na si Dr. Mahmud Ahmad.

Ayon sa Pangulo, iiral ito hangga’t hindi naaalis ang pinakahuling terorista sa Mindanao.

Nagbabala rin ito sa posibleng pag-buwelta ng mga taga-suporta ng teroristang grupo.

Ayon naman sa Malakanyang, isasangguni ng punong ehekutibo ang usaping ito sa mga miyembro ng kaniyang gabinete partikular na ang security, justice and peace cluster.

Ayon sa AFP, tuloy-tuloy din ang kanilang pagtugis sa iba pang malalaking grupo sa Mindanao na nagpahayag ng pakikipag-alyasan sa ISIS tulad ng Ansar Al Khilafah Philippines o AKP, Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF at Abu Sayyaf Group o ASG.

Patuloy din ang pagkalap ng impormasyon ng AFP hinggil sa isa pang high-value target na si Amin Baco, isang Malaysian bomb maker at miyembro ng teroristang grupong Jemaah Islamiyah.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,