Malawakang kilos-protesta kasabay ng paggunita sa anibersaryo ng martial law, isasagawa ngayong araw

by Radyo La Verdad | September 21, 2017 (Thursday) | 3135

Kahapon pa abala ang iba’t-ibang mga grupo para sa National day of protest ngayong araw. Sa Sitio Sandugo sa Quezon City, nakahanda na ang mga placards, at iba pang gagamitin para sa programa.

Isa sa mga highlight ng kilos protesta bukas ay ang pagsusunog ng effigy, subalit sa pagkakataong ito kakaiba ang ginawa ng mga militanteng grupo, gumawa sila ng isang malaking rubik’s cube, at bawat side ng rubik’s cube ay nagpapakita ng iba’t-ibang personalidad katulad sa side na ito mukha ni hitler, sa kabilang side mukha ni dating Presidente Marcos, at dito naman sa side na ito mukha ni Presidente Duterte.

Ayon sa mga militanteng grupo, lahat daw ng mga ito ay nagpapakita ng isang katangian, ang pagiging isang diktador.

Kasama rin sa kilos-protesta ngayong araw ang grupo ng mga Bangsamoro. Inirereklamo nila ang deklarasyon ng martial law sa Mindanao, mga umanoy pagpatay at pagsasagawa ng walang ingat na airstrike sa Marawi City.

Nagbabantay naman ang grupong bayan sa napapabalitang gagamitin umano ang kanilang kilos-protesta upang magpasimula ng kaguluhan na siyang magiging dahilan upang ideklara sa buong bansa ang martial law.

Samantala, mahigit isang libong pulis ang ide-deploy upang magbantay sa iba’t-ibang kilos-protesta. Nakabantay ang PNP upang maiwasan ang gulo sa pagitan ng mga anti at pro Duterte group. Hindi pagdadalahin ng mga baril ang mga pulis at i-oobserve ang maximum tolerance sa buong araw.

Sinabi rin ng PNP na lahat ay papayagang magsagawa ng kanilang kilos-protesta kahit walang permit gaya ng ipinagutos ni Pangulong Duterte.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

Tags: , ,