Hindi pauunalakan ng labor groups ang imbitasyon ng Malacañang na makiisa sa pagdiriwang ng Labor Day sa Cebu sa ika-1 ng Mayo.
Bagkus isang malawakang protesta ang inihahanda ng mga ito sa paggunita ng Araw ng Paggawa.
Anila, malaking pwersa ng mga manggagawa ang makikiisa sa protesta na pangungunahan ng Kilusang Mayo Uno (KMU), Nagkaisa Labor Coalition at Alliance of Labor Unions- Trade Union Congress of the Philippines.
Sigaw ng mga ito na tuloy ang laban kontra kontraktwalisasyon.
Sa isang pagtitipon, paulit-ulit na pinalabas ng labor groups ang talumpati ni Pangulong Rodrigo Duterte noong nakaraang taon, kung saan sinabi nito na kailangan ng mawakasan ang problema ng endo sa bansa.
Giit ng mga ito, napako ang pangakong ito ng pangulo at pinaasa lamang ang libu-libong manggagawa sa bansa.
Sa malawakang protesta, ipararamdam umano nila sa pamahalaan ang pagkadismaya sa patuloy na pag-iral ng contractualization scheme sa bansa at sa hindi paglagda ng pangulo sa isang executive order laban dito.
Ipinananawagan din ng mga ito ang umano’y social protection at karagdagang benepisyo para sa mga kababaihang manggagawa ang katiyakan sa employment ng mga nagsipagtapos sa pag-aaral sa bansa.
Hiling din ng mga ito na maging direct hiring na ang pagkuha ng mga manggagawa ng mga employer at hindi na idaan sa mga agency, at higit sa lahat ay ang pagkakaroon ng security of tenure.
( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )
Tags: kilos-protesta, Labor day, Labor groups