Tiniyak ng Malacañang ang ayuda para sa mga pamilya ng 37 nasawi sa sunog sa New City Commercial Center o NCCC Mall sa Davao City noong Sabado ng umaga.
Personal na kinausap ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pamilya ng mga ito noong Sabado ng gabi at iniulat na zero chance ang survival ng mga biktimang na-trapped sa loob ng naturang mall.
Kahapon, ayon kay Davao City Mayor Sara Duterte ay natagpuan na ang labi ng isa sa mga biktima at ipagpapatuloy naman ang paghahanap sa tatlumpu’t anim na iba pa. Tuloy pa rin aniya ang imbestigasyong ginagawa ng Bureau of Fire Protection sa sanhi ng sunog maging ang halaga ng mga naabong ari-arian.
Ipinag-utos na rin nito ang paglalagay ng holding area malapit sa mga otoridad para sa mga kaanak ng mga biktima upang madaling maibigay sa mga ito ang mga bagong impormasyon gayun din ang pagbibigay ng tulong sa mga ito.
Ipinag-utos na rin ng alkalde ang pagkansela sa Torotot Festival sa lungsod sa December 31 kasabay ng pagpapalit ng taon, gayundin ang iba pang holiday activities.
Ayon kay Mayor Duterte, hindi ito ang oras ng pagsasaya at bagkus ay nanawagan sa bawat pamilyang manalangin para sa mga nakararanas ng kalamidad.
Sa inisyal na imbestigasyon ng BFP, nagsimula ang sunog sa ikatlong palapag o furniture section ng mall pasado alas nwebe ng umaga noong Sabado na umabot sa general alarm.
Hindi na nakalabas ang mga empleyado ng isang call center na nasa ika-apat na palapag ng gusali.
( Janice Ingente / UNTV Correspondent )
Tags: Davao City, Malakanyang, NCCC Mall