Inamin ng Malakanyang na ang kanilang records office ang gumawa ng redactions o naglagay ng black markings sa ilang impormasyon na nakasaad sa Statement of Assets, Liabilities and Networth o SALN ng mga miyembro ng gabinete ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Kinuwestyon ito kamakailan ng Philippine Center for Investigative Journalism o PCIJ. Matinding paglilingid ng mahahalagang impormasyon sa mga SALN na isinumite ng mga former at present cabinet members as of December 31, 2016 ang ginawang ito.
Batay sa ulat ng PCIJ, sa 29 SALNs na kanilang siniyasat, 167 impormasyon ang redacted o itinago, 28 SALNs din ang kinonceal ang halaga ng personal properties, 24 naman ang nakalingid ang eksaktong lokasyon ng mga ari-arian habang 23 SALNs ang hindi ipinakita ang halaga ng real properties.
Ayon naman sa National Privacy Commission, karapatan ng publikong malaman ang halaga ng ari-arian ng mga opisyal ng pamahalaan bilang bagahi ng transparency at hindi dapat itago ang impormasyon hinggil dito.
Nangako naman ang Malakanyang na wala nang mahahalagang impormasyon sa SALN na itinago liban sa mga maseselang impormasyon.
Una nang sinabi ng palasyo na ginawa lamang nila ang redaction o upang protektahan ang mahahala at sensitibong impormasyon patungkol sa ari-arian ng mga opisyal ng pamahalaan.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: Malakanyang, PCIJ, SALN