Naniniwala ang ilang opisyal ng Davao City na kayang maipatupad ni Pangulong Rodrigo Duterte ang curfew para sa mga minor de edad sa buong bansa tulad ng ginawa niya noong siya pa ang mayor ng siyudad.
Ang curfew sa Davao City ay ipinatutupad mula alas diyes ng gabi hanggang alas singko ng madaling araw sa edad di-otso pababa.
Gayunpaman, kung may kasamang guardian o parents ay hindi huhulihin.
Sa unang paglabag, ililista ang pangalan at pagsasabihan bago pauwiin at sa pangalawang paglabag ay ipapatawag na ang kanyang mga magulang .
Ayon sa malakanyang, tiyak na ipatutupad ito sa buong bansa gaya ng ipinangako ni Pangulong Duterte.
Sa ngayon ay masusing pinagaaralan pa ng Malacañang kung papaano ipatutupad ang nationwide curfew.
Pinag-aaralan na rin kung maipatutupad ito sa pamamagitan ng isang executive order.
Una nang idinepensa ng kampo ni Pangulong Duterte na ang planong nationwide curfew ay hindi upang pigilan ang kalayaan o karapatan ng isang mamamayan.
(Nel Maribojoc / UNTV Correspondent)