Malakanyang, nayayamot na sa hiling ng ICC prosecutor na ituloy ang imbestigasyon sa war on drugs ng pamahalaan

by Radyo La Verdad | June 27, 2022 (Monday) | 7265

METRO MANILA – Hindi na napigilan ng Malakanyang na magpahayag ng pagkainis sa pagpupumilit ng prosecutor ng International Criminal Court (ICC) na ituloy ang imbestigasyon sa war on drugs ng Duterte administration.

Giit ni Acting Presidential Spokesperson at Presidential Communications Secretary Martin Andanar, iniimbestigahan na ng Department of Justice (DOJ) katuwang ang Philippine National Police (PNP) ang lahat ng nasawi sa anti-illegal drugs operations.

Ipinakikita aniya nito na walang tinatago ang pamahalaan at may ginagawa ang gobyerno upang tugunan ang sinasabing mga depekto sa war on drugs.

Katunayan, mag-iisang taon na ngayong Hulyo ang joint program on human rights ng Pilipinas at United Nations.

Kayat ayon sa kalihim, inis na sila sa pangungulit ng ICC na ituloy ang imbestigasyon.

Nitong weekend, pormal na hiniling ni Khan sa pre-trial chamber na payagan silang ituloy na ang pagrebisa sa human rights situation sa bansa.

November 10, 2021 nang pinagbigyan ng ICC ang hiling  ng Pilipinas na ipagpaliban muna ang imbestigasyon.

Nagsumite pa ng karagdagang impormasyon ang Pilipinas bilang patunay na gumagana ang justice system sa bansa para sa mga sinasabing biktima ng kampanya kontra droga ng pamahalaan.

Ngunit, giit ng ICC prosecutor, hindi ito sapat na dahilan at dapat ituloy na agad ang kanilang imbestigasyon.

Sa isang pahayag, sinabi ni Outgoing Justice Secretary Menardo Guevarra, na tatalakayin niya ang isyu sa Department of Foreign Affairs (DFA) at iba pang kaukulang ahensiya ng pamahalaan.

(Dante Amento | UNTV News)

Tags: ,