Malakanyang, nanindigang maayos ang kalusugan ni Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | June 15, 2017 (Thursday) | 1392


Nagbabawi lang sa pagod at puyat, ito ang paliwanag ng pamahalaan sa pang-apat na araw na “private time” ni Pangulong Rodrigo Duterte o kawalan ng anumang public engagement.

Noong linggo pa ng gabi huling nakita ng publiko ang punong ehekutibo nang salubungin nito sa Villamor Airbase sa Pasay City ang mga labi ng mga sundalong nasawi sa pakikipagbakbakan sa Marawi City.

Wala ito sa commemoration rites ng 119th Independence Day sa Rizal park at ayon sa ilang miyembro ng kaniyang gabinete, nanatili lamang ito sa Malakanyang mula noong Lunes hanggang ngayong araw ng Huwebes.

Muli namang tiniyak ng Malakanyang na walang dapat ipag-alala sa kalusugan ni Pangulong Duterte.

Samantala, hindi pa masimulan ng pamahalaan ang pagtaya nito sa mga nasirang ari-arian at kabuhayan at maging ang rehabilitation efforts dahil sa nagpapatuloy na bakbakan sa Marawi City.

Ika-23 araw na mula nang sumiklab ang kaguluhan sa siyudad at daan-daang libong mga mamamayan ang napilitang lumikas.

Ayon sa National Disaster Risk Reduction ang management council, nasa 324 thousand ang mga internally displaced persons mula sa Marawi at Marantao, Lanao del Sur at pinangangambahang tumaas pa dahil sa mga naiipit pa sa bakbakan.

Limang porsyento lamang sa mga ito ang nasa evacuation center samantalang ang karamihan sa kanila ay nakikituloy sa mga kamag-anak at mga kaibigan.

Nasa 84 na milyong pisong halaga naman ng pangunahing ayuda ang naipagkaloob ng pamahalaan para sa mga apektadong residente.

Tiniyak naman ng Malakanyang na personal ding makakaharap ng mga apektadong residente ng Marawi City si Pangulong Duterte.

Rosalie Coz / UNTV NEWS Reporter

Tags: