Sa gitna ng mga ulat na nag-alok ang Maute terrorist group na pakakawalan ang bihag nitong pari sa kondisyong pakawalan din ang mga naarestong Maute parents, tiniyak ng Malakanyang na hindi nakikipagnegosasyon ang Pamahalaan sa mga terorista.
Kinumpirma rin ng Malakanyang na hindi sinang-ayunan o pinahintulatan ng gobyerno ang umano’y ginawang pakikipag-usap ng ilang Muslim leaders sa mga miyembro ng Maute noong linggo.
Ayon kay Presidential Spokesperson Undersecretary Ernesto Abella, napakalawak na pinsala at mabigat na krimen ang ginawa ng mga terorista sa Marawi City at iba pang bahagi ng Mindanao.
Kaya desidido rin ang pamahalaang papanagutin ang mga ito sa kanilang ginawang mga karahasan.
Samantala, bagaman wala pang matibay na batayan na nakalabas na nga ng Marawi City si Isnilon Hapilon, ang itinuturing na emir o lider ng daesh o ISIS sa Pilipinas. Sinabi ng Malakanyang na kung totoo ang balita, nagpapakita lang ito aniya ng pagiging duwag ni Hapilon.
Dagdag pa Malakanyang, malapit nang matibag ang Maute terrorist group.
(Rosalie Coz UNTV News Reporter)