Malakanyang, nanindigang ‘di sinasaklawan ang judiciary sa kabila ng panawagang resignation ni CJ Sereno

by Radyo La Verdad | November 7, 2017 (Tuesday) | 2248

Hindi na dapat hayaan pa ni Chief justice Ma. Lourdes Sereno na muling pagdaanan ng Supreme Court ang hirap na naranasan nito noong dinidinig ang impeachment complaint laban kay dating Chief Justice Renato Corona.

Sinabi ni Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque na upang maiwasan ito ay hinihikayat na lang niya si Sereno na magbitiw sa pwesto.

Tiwala si Roque na ito rin ang posisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte, ngunit nilinaw na hindi ito nangangahulugang sinasaklawan ng executive branch ang kapangyarihan ng judiciary.

Nanindigan naman ang kampo ni CJ Sereno na hindi nila naging opsyon kailanman na magbitiw ito sa pwesto.

Kinakailangan aniyang harapin ang impeachment proceedings upang mapreserba ang dignidad at kalayaan ng Korte Suprema at Office of the Chief Justice.

Samantala, sinabi naman ni AKBAYAN Party-list Rep. Tom Villarin na ang pahayag na ito ni Roque ay nagpapakita lamang ng pakikialam ng Malakanyang sa proseso ng impeachment.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

 

Tags: , ,