Ipinahayag ng Malakanyang na ang mga naging pahayag ni dating Dangerous Drugs Board Chairperson Dionisio Santiago sa Megadrug Rehabilitation Center ang dahilan ng pagkakaalis sa pwesto at hindi ang mga umano’y reklamo ng katiwalian laban sa kaniya.
Sinabi ito kahapon ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque kaugnay ng mga dahilan sa pagkakaalis ni Gen. Santiago sa pwesto.
Subalit matapos mapaulat na itinanggi ng Dangerous Drugs Board Employees Union na sa kanila nanggaling ang complaint letter at pinabulaanan mismo ang mga alegasyon ng junkets at pagtanggap ng pabor sa drug operator, binawi ng opisyal ang nauna nitong ipinahayag. Iginiit din nito na hindi aniya sinabing katotohanan lahat ng isinasaad sa reklamo.
Bukod dito, nanindigan din ang Malakanyang na halimbawa lamang ito na tinutugunan ng administrasyon kahit ang maliliit na usapin ng katiwalian laban sa sinumang opisyal ng pamahalaan lalo na ang mga kilalang malapit kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Gayunman, hindi naman kinumpirma ng Malakanyang kung nakapagsagawa sila ng validation hinggil sa reklamo laban kay Santiago.
Ayon kay Sec. Roque, naunahan na sila ng pagreresign kasunod ng kaniyang mga naging pahayag sa Mega Drug Rehabilitation Center sa Nueva Ecija.
Sa huli, ipinasa nito ang responsibilidad sa punong ehekutibo na isa rin aniyang abugado na alam ang rules of evidence.
Si Pangulong Duterte rin mismo ang pangunahing nagdedesisyon kung sinong mga kasama sa gobyerno ang nais niyang manatili o hindi sa ilalim ng kaniyang pamumuno.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )