Malacañang, umapela sa mga kandidato na sundin ang mga panuntunan sa halalan

by Radyo La Verdad | February 12, 2019 (Tuesday) | 3328
PHOTO: Yancy Lim/Presidential Photos

Malacañang, Philippines – Umapela ang Malacañang sa mga kandidato sa 2019 Midterm Elections na sundin ang mga panuntunan sa halalan.

Ayon kay Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo, ito ay upang matiyak na magiging maayos, mapayapa at tapat ang magiging halalan sa darating na Mayo, kaalinsabay ng pagsisimula ng campaign period ngayong araw.

“We’ll be always, every government, every administration, always appeal to the candidates to strictly observe the election laws. We have to have clean, honest, fair, credible elections” ani Panelo.

Muling iginiit ng palasyo ang patungkol sa bilin ng Punong Ehekutibo sa mga miyembro ng kaniyang gabinete at maging sa mga tauhan ng pulisya at militar na huwag sumali sa mga pangangampanya para sa anumang partido o pulitiko, kundi, maging neutral o walang pinapanigan sa darating na halalan.

“The president has even call upon the members of the cabinet to strictly follow the rules on the prohibition on government employees and officials not to campaign for or against any particular candidate except himself because the provisions say he is exempted from it” ayon kay Panelo.

Sa huli, tiniyak ng palasyo na hindi gagamit ng government source ang Pangulong Duterte upang mag-endorso ng mga kandidato kundi simpleng verbal endorsement lang ang gagawin nito.

Dagdag pa ni Panelo, hindi rin hihingi ng suporta ang Pangulong Duterte sa mga religious leader para iboto ang mga preferred candidate nito.

Samantala, kung may mananalo namang opposition candidate sa halalan, paniwala ng Malacañang, hindi ito nangangahulugan na walang silbi ang endorsement power ng Punong Ehekutibo.

“It only means when opposition candidate wins, it means an expression of the electorate telling them that we are putting you there to cooperate with this administration because we believe in this presidency, and not you to destabilize it.” dagdag ni Panelo.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , , ,