Malacañang, umaasang tutuparin ng NPA ang idineklarang tigil putukan sa mga lugar na apektado ng lindol sa Mindanao

by Radyo La Verdad | February 13, 2017 (Monday) | 1262


Ikinatuwa ng Malakanyang ang deklarasyon ng unilateral ceasefire ng New People’s Army sa Surigao del Norte at mga bayan ng Cabadbaran, Tubay, Jabonga at Santiago sa Agusan del Norte upang bigyang-daan ang relief at rehabilitation efforts ng pamahalaan para sa mga naapektuhan ng magnitude 6.7 na lindol noong Biyernes ng gabi.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Martin Andanar, sana ay tupdin ng mga rebelde ang kanilang deklarasyon upang huwag mahadlangan ang ginagawang assessment at rescue operations sa mga nabiktima ng lindol.

Sa inilabas na statement ng NPA, epektibo ang temporary unilateral ceasefire noong February 11 hanggang February 20, 2017, alas-11:55 ng gabi sa probinsya ng Surigao del Norte at ilang munisipalidad sa Agusan del Norte.

Umaasa naman ang NPA na tutumbasan din ng AFP partikular na ng 30th infantry battallion ng Philippine Army at Philippine National Police ang kanilang ceasefire declaration.

Sa ngayon ay patuloy nang nagsasagawa ng humanitarian at disaster response operation ang Armed Forces of the Philippines at iba pang ahensiya ng pamahalaan upang agad makarating ang ayuda sa mga biktima.

Una na ring ipinangako ni pangulong Duterte ang pagbibigay ng dalawang bilyong pisong pinansiyal na ayuda para sa mga biktima ng lindol sa kanyang pagbisita sa Surigao del Norte kahapon.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: ,