Malacañang, umaasang makakatanggap ng tulong mula sa ibang bansa ang Pilipinas matapos ang magkakasunod na lindol sa Mindanao

by Erika Endraca | November 4, 2019 (Monday) | 8250

METRO MANILA, Philippines – Umaasa ang Malacañang na makakatanggap ng tulong mula sa ibang bansa ang Pilipinas matapos ang magkakasunod na lindol sa Mindanao.Dahil sa tuwing may kalamidad na nararanasan ang Pilipinas ay nakagawian na ng ibang bayang magkaloob ng kanilang tulong.

“Everytime there is a calamity, countries as a practice, help. So, hopefully we will be receiving more aids from other countries.” ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel  Secretary Salvador Panelo.

Kulang 29,000 mga imprastraktura ang naapektuhan ng naturang mga pagyanig at bumibilang na sa 21 ang nasawi at daan-daang ang nasugatan dahil sa epekto ng lindol.

Samantala, nilinaw naman ng palasyo na walang donors ang pinipigilang mag-donate para sa mga biktima ng lindol. Sagot ito ng pamahalaan sa isyung mahigpit umano ang proseso ng accreditation sa mga donor.

Matatandaang itinalaga ng Malacañang si Defense Secretary Delfin Lorenzana bilang tagapanguna sa relief efforts at tiyaking ligtas ang publiko sa mga lubhang naapektuhan ng lindol sa Mindanao.

Ayon sa kalihim pinaco-coordinate ang publiko at sa National Disaster Risk Reduction and Management para sa epektibong pagsasagawa ng distribution ng relief goods at rescue operations.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,