Malacañang, tiwalang kayang ipaliwanag ni Budget Secretary Diokno ang mga isyu kaugnay sa proposed 2019 national budget

by Radyo La Verdad | December 11, 2018 (Tuesday) | 8449

Ipinatawag si Budget Secretary Benjamin Diokno sa Kamara para sa isang question hour. Kaugnay ito ng mga isyu hinggil sa isinumiteng pambansang pondo ng Duterte administration na nagkakahalaga ng 3.575 trilyong piso para sa taong 2019.

Tiwala ang Malacañang na kayang ipaliwanag at sagutin ni Budget Secretary Diokno ang mga tanong ng mga kongresista hinggil dito.

Batay sa mga ulat, sinisisi umano ng ilang kongresista ang Budget Department sa pagkaantala sa pag-usad ng pambansang pondo upang maipasa ito. Itinuturo rin ang kagawaran sa umano’y kwestyonableng budget insertions.

Subalit ayon sa Malacañang, on time na isinumite ng Duterte administration ang national budget proposal at mandato naman ng Kongresong busisiin ito.

Kinumpirma naman ni House Minority Leader Danilo Suarez na tuloy ang “question hour” ng Kamara. Ito ay kahit wala pang kumpirmasyon si Diokno sa Kamara kung ito ay makakadalo o hindi.

Ayon kay COOP-NATCO Partylist Rep. Athony Bravo, bahala na umano ang liderato ng Kamara kung ano ang kanilang magiging aksyon oras na hindi sumipot si Diokno.

Kabilang sa tatalakayin ay ang mga naunang pahayag ni Senator Panfilo Lacson hinggil sa umano’y bilyon-bilyong budget insertion na napunta sa distrito ni House Speaker Gloria Arroyo.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,