Malacañang, tiniyak na ‘di tutol ang Duterte administration sa pagtatalaga ng kababaihan sa pamahalaan

by Radyo La Verdad | May 18, 2018 (Friday) | 25194

Nagtatalaga si Pangulong Rodrigo Duterte ng mga kababaihan bilang opisyal ng gobyerno at ilan dito ang bagong appointed Tourism Secretary Berna Romulo-Puyat at si acting Social Welfare Secretary Virginia Orogo.

Ayon kay Presidential Spokesman Harry Roque, patunay itong walang diskriminasyon sa mga kababaihan sa usapin ng pagtatalaga sa pwesto sa pamahalaan. Sagot ito ng Malacañang sa mga tumutuligsa sa naging pahayag ni Pangulong Duterte kamakailan.

Binatikos ng Gabriela Women’s Party ang pahayag ni Pangulong Duterte noong Myerkules ng gabi nang tanungin ito hinggil sa appointment ng susunod na Ombudsman at chief justice.

Tinanong ang punong ehekutibo kung ano ang kaniyang preference sa mga susunod na magiging opisyal.

Gayunman, aminado si Roque na kailangan niya pang linawin mismo sa punong ehekutibo kung ano ang ibig sabihin nito sa kaniyang naging pahayag.

Bukod dito, hindi rin aniya maitatangging palabiro ang pangulo sa kaniyang mga pananalita subalit makikita naman aniya sa gawa kung ano ang kaniyang tunay na saloobin.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,