Malacañang, sinabing wala namang bago sa mga iniulat ni VP Robredo kaugnay ng Anti-Drug War ng Pamahalaan

by Erika Endraca | January 7, 2020 (Tuesday) | 19670
Photo By: EPA \ EFE ROLEX DELA PENA

METRO MANILA – Tinuligsa ni Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo si Vice President Leni Robredo sa ginawa nitong paglalabas ng ulat hinggil sa kaniyang pagiging Anti-Drug Czar.

Kung sa tingin ng Bise Presidente ay palpak ang anti-drug war ng Administrasyong Duterte, tinawag namang “failure” ng palace official ang pagiging co-chairperson ng Inter-Agency Committee On Anti-Illegal Drugs (ICAD) nito.

18 araw lang naging Icad Co-Chair si VP Robredo bago tanggalin sa pwesto ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Palagay ko ang failure, yung pag-upo niya”ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo

Hinggil naman sa mga inilabas na figures ng Pangalawang Pangulo kaugnay ng anti-drug war, sinabi ng palace official na mali ito at ang makakakumpirma ay ang mga mismong Anti-Drug Law Enforcement Agencies.

Di tulad ni VP Robredo na wala aniyang figures na pinanghahawakan, si Pangulong Duterte ay may unlimited resources ng impormasyon. Dagdag pa ng Tagapagsalita ng Presidente, nais lang maging relevant ng Bise Presidente at wala naman itong sinabing bago sa publiko.

“I think she just wants to be relevant it’s a dud, wala naman siyang sinabing bago na hindi tinututukan ng mga ahensya na involved sa laban droga there’s nothing new in what she said.” ani Presidential Spokesperson & Chief Presidential Legal Counsel Sec. Salvador Panelo.

Samantala, dumepensa rin ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga payahag ni VP Robredo laban sa war against drugs ng Duterte administration.

Sa isang pahayag, sinabi ni PDEA Chief Director General Aaron Aquino na ipinagwalang bahala at di pinansin ng Punong Ehekutibo ang ginawang efforts ng gobyerno upang resolbahin ang suliranin sa iligal na droga sa nakalipas na 3 taon.

Kinwestyon din ng PDEA Chief ang sinabi ng Pangalawang Pangulo na palpak ang drug war gayung iba ang ipinapakita aniya na mga numero.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,