Sapat ang ipinakitang sinseridad ng pamahalaan sa usapang pangkapayapaan subalit tinumbasan ito ng malimit na pananambang ng mga rebeldeng New People’s Army.
Kaya ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, hindi dapat masisi ang pamahalaan sa pagpapatigil ni Pangulong Duterte sa formal peace talks.
Pinabulaanan din ni Roque ang pahayag ni Communist Party of the Philippines Founder Jose Maria Sison na isang political swindler si Pangulong Duterte.
Ayon sa tagapagsalita ng Pangulo, ilalabas na rin ng pamahalaan sooner or later ang pormal na deklarasyon kung saan mamarkahan na bilang terorista ang mga rebeldeng komunista.
Payo ngayon ng Malakanyang sa CPP-NPA-NDF, mag-move on na. Nilinaw naman ng Malakayang na posible pa ring isulong ng mga lokal na pamahalaan ang negosasyong pangkapayapaan sa mga miyembro ng NPA sa kanilang mga lugar na nasasakupan. Hindi rin tuluyang isinasara ng pamahalaan ang pintuan sa peace talks sa komunistang grupo.
Dagdag pa ni Roque, wala ring order ang Pangulo sa mga tauhan ng militar at pulisya na puksain ang mga rebelde kundi dakipin at kasuhan ayon sa ligal na proseso.
Samantala, hindi naman pinaaalis sa pwesto ang mga left-leaning government officials at kinumpirmang nananatili pa rin ang tiwala sa kanila ng punong ehekutibo.
Ang ilan sa mga nalalabing kilalang makakaliwa sa administrasyong Duterte ay sina National Anti-Poverty Commission Lead Convenor Liza Maza, Presidential Commission for the Urban Poor Chairperson Terry Ridon at Labor Undersecretary Joel Maglungsod.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )