Malacañang, pinawi ang pangamba sa posibilidad na mako-kontrol ng China ang resulta sa isasagawang joint investigation hinggil sa Recto Bank maritime incident

by Erika Endraca | June 24, 2019 (Monday) | 4384

MANILA, Philippines – Pinawi ng Malacañang ang pangamba sa posibilidad na mako-kontrol ng China ang resulta sa isasagawang joint investigation hinggil sa recto bank maritime incident.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, sapat na itong garantiya na magiging patas at naaayon sa proseso.

Nangyari ang pagbunggo ng isang Chinese vessel sa isang Filipino fishing boat malapit sa Recto o Reed Bank na isang pinagtatalunang teritoryo sa West Philippine o South China Sea noong June 9, 2019 dahilan para lumubog ang sinasakyang pandagat ng mga pilipinong mangingisda .

Una nang binigyang-diin ni Presidente Duterte na ‘di siya takot sa China. Subalit, welcome naman sa Punong Ehekutibo ang alok nito na magkaroon ng magkatuwang na imbestigasyon ang China at Pilipinas sa insidente.

Bukod dito, nais din ng Pangulo na bumuo ng isang joint investigating committee na may highly qualified at competent individuals, may tigiisang kinatawan mula sa Pilipinas at China at ang pangatlong miyembro ay mula sa isang neutral country.

Subalit ayon sa tagapagsalita ng Presidente, wala pang pinal na mekanismo hinggil sa joint investigation at kakailanganin lang ang third party aniya kung ‘di magkakasundo sa resulta ang 2 bansa.

Samantala, kinumpirma naman ni Transportation Secretary Arthur Tugade na naisumite na ng Philippine Coast Guard at Maritime Industry Authority o marina ang kanilang ulat sa isinagawa nilang imbestigasyon sa Recto Bank incident.

 (Rosalie Coz | Untv News)

Tags: , ,