Malacañang, pinabulaanan ang umano’y pork barrel funds sa 2016 budget

by Radyo La Verdad | December 28, 2015 (Monday) | 1153

JERICO_COLOMA
Tinanggi ng Malacañang ang pahayag ng Social Watch Philippines na may malaking pondo ng pork barrel funds at lump sum allocations sa 2016 National Budget.

Depensa ni Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., mahigpit na tumatalima ang pamahalaan sa itinatakda ng batas alinsunod sa desisyon ng korte Suprema noong 2013 na pagbabawal ng Pork Barrel sa General Appropriations Act.

Dagdag pa ni Coloma, bago naisabatas ang pambansang budget ay dumaan ito sa masusing pagbubusisi ng KAMARA at Senado.

Makailang beses na rin aniyang sinagot ng ehekutibo ang mga kumento at pagtuligsa ng mga kritiko hinggil sa nilalaman ng 2016 budget.

Maging ang kongreso aniya ay sinagot na rin ang mga isyu kaugnay dito.

Binigyang diin ng Malacañang na malaki ang ginawang reporma ng ehekutibo upang maiwasan ang anomalya sa paglalaan ng pondo sa iba’t ibang programa na tulad na lamang aniya ng pagpapasa ng budget sa itinakdang panahon.

(Jerico Albano / UNTV Radio Reporter)

Tags: , , ,