Malacañang, nanindindigang hindi magkakaroon ng kooperasyon ang Pilipinas sa anumang proceedings ng ICC

by Radyo La Verdad | March 23, 2018 (Friday) | 4453

Nanindigan ang Malacañang na hindi magkakaroon ng kooperasyon ang Pilipinas sa anumang proceedings ng International Criminal Court (ICC).

Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, hindi lang Pilipinas ang desididong tumiwalag sa kasunduan ng ICC.

Sa 123 state parties, Burundi ang unang bansang opisyal na bumitaw sa kasunduan noong 2017.

Ayon sa Malacañang, kasunod ng formal notification na isinumite ng Pilipinas sa United Nations, may bansa na ring gustong isulong ang pag-alis nila sa ICC treaty, ang South Africa.

Kapwa binalak ng South Africa at Gambia ang kanilang pagtiwalag sa ICC.

Samantala, kinumpirma rin ni Roque na tumatanggap ng kontribusyon mula sa mga pribadong indibidwal at organisasyon ang ICC.

Kaugnay ito nang nabanggit ni Pangulong Duterte kamakailan na nakikipagsabwatan umano ang ICC sa mga indibidwal na nais siyang patalsikin sa pwesto.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: ,