Malacañang, nanindigang may expanded targeted testing ang gobyerno kontra coronavirus disease

by Radyo La Verdad | May 19, 2020 (Tuesday) | 61484

METRO MANILA – Dumipensa ang Malacañang sa mga tumutuligsa sa pahayag nito na ipaubaya na sa pribadong sektor ang Covid-19 testing sa kanilang mga empleyadong nagbabalik-trabaho.

Pinabulaanan ni Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque ang mga ulat na walang polisiya ang pamahalaan kaugnay ng pagkakaroon ng malawakang Covid-19 tests.

Katunayan aniya, isinusulong ng Duterte administration na makapagsagawa ng 30 libong Covid-19 tests kada araw sa katapusan ng buwan ng Mayo.

“From the very beginning, we have had a systematic targeted testing at sa tingin po natin ang sinusunod natin ay benchmark recognized internationally specifically by the who,” ani Sec. Harry Roque, Presidential Spokesperson.

Dagdag pa ng opisyal, 1.5 to 2 percent sa higit 100 million na populasyon ng bansa ang target na ma-test ng pamahalaan.

Iginiit pa ng opisyal na maling gamitin ang terminong “mass testing.”

 “Ang tawag po dapat ay expanded targeted testing, wala pong bansa sa buong mundo ang lahat ng mga mamamayan nito kaya nga po mali ang terminong mass testing,” dagdag pa ni Sec. Harry Roque, Presidential Spokesperson.

(Rosalie Coz)

Tags: , ,