Malacañang, nanindigang may batayan sa pagpapawalang-bisa sa amnestiya ni Senator Antonio Trillanes IV

by Radyo La Verdad | September 5, 2018 (Wednesday) | 3510

Sa kabila ng mga pagkwestyon ng oposisyon, nanindigan ang Malacañang na may batayan ang Proclamation Number 572 o ang kautusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na pawalang-bisa ang amnestiyang ipinagkaloob ng Aquino administration kay Senator Antonio Trillanes IV. Inilabas ito kahapon ng Malacañang, ngunit noong ika-31 ng Agosto pa nilagdaan ng Pangulo.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, walang dapat sisihin kung lumabas sa imbestigasyong void o walang bisa ang amnestiyang ipinagkaloob kay Trillanes dahil sa hindi nito pagsunod sa proseso ng pagbibigay ng application at pag-aming guilty sa kasalanang rebelyon kaugnay ng 2003 Oakwood mutiny, 2006 Marines stand off at 2007 Manila Peninsula Hotel siege.

Bukod dito, ang amnesty din aniyang ipinagkaloob ni dating Pangulong Benigno Aquino III ay political accomodation lamang umano kay Trillanes.

Nilinaw din ni Roque na posibleng hindi lang si Trillanes ang saklaw ng pagpapawalang bisa ng amnestiya kaya iimbestigahan din ang iba pang nabigyan ng amnesty sa ilalim ng administrasyong Aquino.

Ayon naman kay dating Solicitor General Florin Hilbay, kinakailangan ng concurrence o pagsang-ayon ng Kongreso sa pagpapawalang bisa sa amnestiyang pinahintulutan nito at ni dating Pangulong Aquino, walong taon na ang nakalipas.

Subalit ayon kay Roque, hindi ito kailangan dahil walang bisa naman ang amnestiya at kung nais ni Trillanes ay maaari nitong kuwestyunin ang revocation sa korte na mismo.

Si Trillanes ay kilalang kritiko ng administrasyong Duterte at posibleng pangalawang senador na makulong sa ilalim ng termino ni Pangulong Duterte.

Una ay si Senador Leila De Lima na sinampahang ng kaso kaugnay ng umano’y pagiging sangkot sa illegal drug trade sa National Bilibid Prison.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,