Dalawang araw matapos ianunsyo ng Malacañang ang pagpataw ng preventive suspension kay Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang, binasag ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang pananahimik nito sa isyu.
Sa inilabas nitong pahayag, sinabi ni Morales na batay sa desisyon ng Korte Suprema sa kaso ni Gonzales III vs The Office of the President, ‘di naaayon sa konstitusyon ang pagkakaroon ng administrative disciplinary jurisdiction ng punong ehekutibo sa deputy ombudsman kaya di nito hahayaang maisapeligro ang independence ng Office of the Ombudsman.
Malinaw rin aniyang ang hakbang ng Office of the President na pag-aksyon sa mga reklamo laban kay Carandang at pagpataw dito ng preventive suspension ay insulto sa Korte Suprema at sa isinasaad sa konstitusyon na pagiging isang independent o hiwalay na institusyon ng Office of the Ombudsman.
Hindi rin dapat aniyang kunsintihin ang pagsasawalang bahalang ito ng Office of the President sa jurisprudence ng kataas-taasang hukuman at maging ang pagiging kumpyansang posible itong mabago.
Samantala, nanindigan naman si Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na ligal ang pagpataw ng preventive suspension ng Malacañang kay Carandang hangga’t walang sinasabi ang korte na labag ito sa konstitusyon. Kaya libre ang sinomang tutol dito na lumapit sa korte ang magsampa ng reklamo.
Dapat din aniyang ipatupad ang preventive suspension ng kinauukulang opisyal ng pamahalaan dahil kung hindi, siya man ay maaaring mapatawan ng administrative at criminal sanctions.
Posible rin umanong maging impeachable act kung tahasang ‘di ipatutupad ang suspensyon dahil maituturing umanong betrayal of public trust ito.
Ayon naman kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, may 10 araw si Carandang upang sagutin ang mga alegasyon laban sa kaniya.
Pagkatapos nito, ang Office of the President ay maglalabas ng pasya hinggil sa reklamo sa Overall Deputy Ombudsman.
( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )
Tags: Carandang, Malacañang, preventive suspension