Malacañang, nanindigang hindi makikialam sa paglipat ng Senado ng detensyon kay dating Customs Commissioner Faeldon

by Radyo La Verdad | January 31, 2018 (Wednesday) | 8993

Nanindigan ang Malacañang na hindi makikialam sa isyu ng paglilipat sa Pasay City Jail kay dating Bureau of Customs Commissioner Nicanor Faeldon.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, kaya pa rin umano nitong gampanan ang tungkulin bilang deputy administrator ng Office of the Civil Defense kahit nasa bilangguan.

Itinanggi naman ni Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na hiniling nito kay Senate Blue Ribbon Committee Chair Gordon na palayain na si Faeldon sa Senate detention facility.

Ayon kay Panelo, maaaring na-misunderstood siya ni Gordon, matapos niyang i-suggest dito na i-subpoenang muli ng komite si Faeldon para dumalo sa pagdinig.

Inamin naman ni Panelo na binisita niya si Faeldon upang ipakita ang kaniyang simpatya sa dating Customs Commissioner.

Kahapon, matapos ang halos limang buwan na pagkakadetine sa senado, inilipat si Faeldon sa Pasay City Jail sa bisa ng commitment order ng Blue Ribbon Committee. Nagtalaga ang Office of the Senate Secretary ng dalawang tauhan na magbabantay kay Faeldon.

Ayon sa Bureau of Jail Management and Penology, inilagay muna sa isang hiwalay na selda si Faeldon ngunit itatrato ito gaya ng regular na detainee.

Masaya naman ang kampo ni Faeldon sa hakbang na ito ng senado. Muli rin aniya silang umapela sa Korte Suprema para sa kaniyang provisional release.

Matatandaang idinetine ng Blue Ribbon Committee si Faeldon dahil sa pagtangging dumalo sa imbestigasyon kaugnay ng umano’y korapsyon sa Bureau of Customs.

 

( Nel Maribojoc / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,