Malacañang, nanindigang ‘di panunuhol ang pagbibigay ng munting regalo sa mga tauhan ng pulisya

by Radyo La Verdad | August 12, 2019 (Monday) | 3846

Nanindigan ang Malacañang na hindi labag sa batas kung tumanggap man ng munting regalo ang mga tauhan ng Philippine Natonal Police mula sa mga natulungan nila.

Ayon kay Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi kasama sa probisyon ng anti-graft and corrupt practices act gayundin ng code of conduct ang mga simpleng regalo para sa mga kawani o opisyal ng pamahalaan.

Ang gift-giving aniya ay pagtanaw ng utang na loob lamang ng mamamayan sa mga law enforcer na isinusugal ang kanilang buhay upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa mga komunidad.

Magsisilbi rin umano itong  dagdag inspirasyon upang lalo pang gampanan ng maayos at tapat ang kanilang trabaho.

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi ito maituturing na panunuhol.

 “Well, basta kung bigyan kayo, eh tanggapin ninyo. It is not bribery because — it cannot be bribery because it is allowed by law. What I mean if there is generosity in them, sabi ng anti-graft you cannot accept gifts. Kalokohan ‘yan. I know that, especially the police, if you are able to solve a crime and you guys from Davao alam man ninyo ‘yan. If you are able to solve a crime and the family would like to be generous to you or would nurture a feeling of gratitude for what you accomplish, then by all means, accept it,” Pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: , ,