Malacañang, nanindigan na hindi kinukunsinti ang mga abusado at mararahas na pulis

by Radyo La Verdad | November 29, 2017 (Wednesday) | 3476

Isang special report ng Reuters ang lumabas kahapon hinggil sa isang police operation sa Tondo, Maynila noong October 11. Isang araw ito matapos ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na gawing lead at sole agency sa anti-drug war ng pamahalaan ang Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA.

Sa ulat na pinamagatang “operation kill”, makikita sa mga CCTV footages ang pagpapaalis ng umano’y mga pulis sa mga tao na nasa mga eskinita at sa harap ng isang karinderya.

Makikita rin ang pagtutok ng baril ng isang pulis sa isang lalake at maya-maya ay tumumba na ito sa kaniyang harapan. Makikita rin sa video ang paghawi ng pulis sa security camera.

Sa huling video, makikitang binibitbit ng mga sinasabing pulis ang katawan ng tatlong tao na napaslang umano sa naturang operasyon.

Hindi tiyak ng Malakanyang kung ang ganitong ulat ang dahilan kung bakit hindi pa pormal na ipinag-uutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pagbabalik sa PNP ang anti-drug war.

Gayunman, nanindigan si Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na hindi kukunsintihin ng pamahalaan ang mga abusado at mararahas na tauhan ng pulisya.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,