Malacañang, kumpiyansang hindi uusad ang panibagong reklamo sa ICC vs Pangulong Duterte

by Radyo La Verdad | August 29, 2018 (Wednesday) | 3807

Ipinagwalang-bahala lang ng Malakanyang ang ikalawang reklamo na inihain kahapon ng ilang pamilya ng mga umano’y biktima ng extrajudicial killings sa bansa at ilang human rights activists. Kaugnay ito ng war on drugs ng pamahalaan.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, hindi ito uusad dahil nananatili pa ang kapangyarihan at pag-iral ng mga lokal na hukuman sa bansa.

Giit ng mga complainant, laganap na ang mga kaso ng mga extra judical killings (EJK) sa bansa, kaya’t dapat na anilang manghimasok dito ang International Criminal Court (ICC).

Nagdesisyon ang mga ito na dalhin sa ICC ang reklamo dahil kumpiyansa ang mga ito na mareresolba rito ang isyu. Hindi anila katulad sa Philippine courts na may immunity ang Pangulo.

Naniniwala rin ang National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) na kayang manipulahin ni Pangulong Duterte ang justice system sa bansa dahil kontrolado umano nito ang mga opisyal na nakaluklok sa mga korte.

Matatandaang noong nakaraang taon una nang naghain sa ICC ng reklamo laban sa Pangulo si Atty. Jude Sabio dahil sa umano’y crimes against humanity ng pamahalaan kaugnay ng crackdown sa iligal na droga.

Sinuportahan naman ito nina Magdalo Partylist Representative Gary Alejano at Sen. Antonio Trillanes IV.

 

( Joan Nano / UNTV Correspondent )

Tags: , ,