Malacañang, kinokondena ang pananambang sa isang Saudi Cleric sa Zamboanga City

by Radyo La Verdad | March 3, 2016 (Thursday) | 1463

COLOMA
Mariing kinondena ng Malacañang ang pananambang kay Dr. Aaidh Al-Qarni sa isang paaralan sa Zamboanga City kamakailan.

Ayon kay Presidential Communications Secretary Herminio Coloma Jr., hindi marapat ang karahasan sa loob ng isang paaralan na itinuturing na ‘zone of peace’.

“Kinokondena natin ang paghasik ng karahasan sa loob ng isang paaralan na dapat sana’y ituring na ‘zone of peace’. Pahayag ni Coloma.

Sa ngayon aniya ay patuloy nang nagsasagawa ng imbestigasyon ang Zamboanga City Police sa pangunguna ni OIC Police Superintendent Luisito Magnaye kaugnay ng pananambang.

Nakaligtas si Al-Qarni sa tangkang pagpatay kasama si Sheikh Turki Assaegh, isang religious attaché ng Saudi Arabian embassy sa Maynila.

Nagpapagaling na ang dalawa sa ospital matapos magtamo ng gunshot wounds sa ilang bahagi ng katawan.

Napatay ang isa sa tatlong suspek na 21 anyos na engineering student sa naturang unibersidad habang nadakip naman ang dalawang kasamahan nito.

Si Al-qarni ay sinasabing kabilang sa hit list ng Islamic State.

Pahayag naman ni Coloma, mainam aniya na hintayin na lang din ang ulat ng PNP hinggil sa motibo ng pananambang.

“Mainam na hintayin muna ang ulat ng PNP kung ano ang dahilan o sanhi ng pangyayari.” Ani Coloma.

(Jerico Albano / UNTV Radio Correspondent)

Tags: , ,