Malacañang, itinangging nais na papasukin ang mga kaalyado sa sektor ng water distribution

by Radyo La Verdad | December 10, 2019 (Tuesday) | 28781

“Kahibangan,” ito ang sagot ni Presidential Spokesperson and Chief Presidential Legal Counsel Salvador Panelo nang tanungin sa napaulat na dahilan kung bakit tinutuligsa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang dalawang water concessionaires na Maynilad at Manila Water.

Ayon sa ilang ulat, nais umanong papasukin ng Punong Ehekutibo ang kaniyang mga kaalyado sa industriya ng water distribution.

Una nang nagbanta ang Pangulo laban sa dalawang water concessionaire at mga nasa likod ng umano’y maanomalyang agreement na sasampahan ng kasong economic sabotage.

Ganito ang naging reaksyon ng Pangulo matapos katigan ang dalawang water distributors ng permanent court of arbitration sa Singapore sa kaso laban sa pamahalaan at pagmultahin ang gobyerno ng bilyong-bilyong pisong halaga dahil sa ‘di pagpayag na magtaas sa kanilang singil sa tubig noong nakalipas na administrasyon.

“That’s nonsense, si Presidente pa, walang ally-ally kay Presidente,” ani Sec. Salvador Panelo, Presidential Spokesperson and chief Presidential Legal Counsel.

Inisa-isa ng Palasyo ang mga pinaniniwalaang mapaminsalang probisyon sa publiko ng mga naturang water concession agreement kabilang na ang walang pakialam ang gobyerno sa water rates ng water distributors, gayundin ang umano’y maanomalyang pagpapalawig ng kasunduan hanggang sa taong 2037 kahit ‘di pa napapaso ang deal.

Nabuksan naman ng Palasyo na posibleng ang gobyerno ang mag-take over upang ‘di matigil ang serbisyo ng water distribution kung walang ibang pribadong sektor na mag-take over.

“Initially government muna then most likely after that there will be biddings for a private company to take over,” ayon pa kay Sec. Salvador Panelo, Presidential Spokesperson and chief Presidential Legal Counsel.

Taong 1997 nang pirmahan sa pagitan ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) at Manila Water Services Inc. at Maynilad ang water concession contracts. Bago iyon, nasa kamay ng gobyerno ang pamamahala sa water services subalit mababa ang kalidad ng serbisyo.

Sa panahong iyon, walang maraming investors ang interesadong sumugal ng bilyon-bilyong pisong halaga para ayusin ang kalidad ng water services at ang Manila Water at Maynilad ang nanalo sa concessions.

(Rosalie Coz | UNTV New)

Tags: , , ,