Malacañang, inaming hindi kaya ng PNP na pangunahan ang war on drugs sa ngayon dahil sa katiwalian sa kanilang hanay

by Radyo La Verdad | February 2, 2017 (Thursday) | 1185


Inamin ng Malakanyang na maaaring ginamit ng ilang police scalawags ang anti-drug war campaign ni Pangulong Rodrigo Duterte upang pagtakpan ang kanilang mga katiwalian.

Subalit hindi anila ito sapat na dahilan upang walang gawing hakbang ang pamahalaan para naman resolbahin ang malalang problema ng bansa sa iligal na droga.

Sa ngayon para sa Malacañang, walang kapasidad ang PNP na pangunahan ang anti-drug war ng administrasyon.

Sa kabila nito buo pa rin ang tiwala ng pangulo sa liderato ni PNP Chief Ronald Dela Rosa at sa Pambansang Pulisya.

Kaya naman ang pangunahing direktiba ng pangulo kay PNP Chief linisin muna ang hanay ng pambansang pulisya.

Nilinaw rin ng malacanan na hindi itinitigil ang anti-drug campaign ng pamahalaan.

Lalo na mas lalo aniya nauungkat kung gaano na kalala ang problema sa iligal na droga mula ng mangasiwa ang Pangulong Duterte.

Matatandaang ipinatigil ng pangulo ang Oplan Tokhang at Double Barrel campaign ng PNP mula ng mabunyag na ginamit ito na front ng ilang tiwaling pulis sa pagkidnap at pagnanakaw sa ilang Koreano.

Para sa Malacañang, hindi ito maituturing na mga pulis at dapat panagutin sa batas ang mga dapat sanay nagpapatupad nito.

(Rosalie Coz / UNTV Correspondent)

Tags: ,