Malacañang, ikinabahala ang pagsadsad ng Ekonomiya ng bansa sa 2nd Quarter

by Erika Endraca | August 7, 2020 (Friday) | 10587

METRO MANILA – Higit na mas mababa sa inaasahang pagbagsak ng ekonomiya ang resulta ng pinalawig na estriktong community quarantine noong buwan ng Abril hanggang Hunyo.

Ayon sa Malacanang, bagaman inasahan na nila ito, hindi nila akalain na ganito kalaki ang ang magiging epekto ng lockdown sa ating ekonomiya.

Mula sa negative 0.7% sa first quarter ng 2020, lumagpak pa sa negative 16.5% ang Gross Domestic Product (GDP) ng bansa mula Abril hanggang Hunyo ayon sa ulat ng Philippine Statistics Authority  (PSA).

Ayon sa PSA, ito na ang pinakamababang pagbagsak ng gdp sa nakalipas na 39 na taon.

“Given the drop of 16.5 percent for the quarter, we revert back to the first quarter of 1981, as I mentioned this is the lowest, the biggest drop in other words” ani PSA National Statistician, Usec. Claire Dennis Mapa.

Dahil dito, muling nanawagan ang palasyo sa kongreso na ipasa na ang Bayanihan 2 upang mapaigting ang tugon ng pamahalaan sa COVID-19.

Gayundin ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o Create Act para makatulong naman sa pagbangon ng mga negosyo at trabaho.

Positibo rin ang pananaw ng National Economic Development Authority (NEDA) na makakabawi ang ekonomiya sa susunod na taon sa pamamagitan ng mga programa ng pamahalaan.

“Our build, build, build program, our Bayanihan 2 which we hope to get passed soon, and our upcoming 2021 budgets are the instruments to ensure that we recover as soon as possible.” ani NEDA Sec. Karl Chua.

(Rosalie Coz | UNTV News)

Tags: ,