Malacañang, ikinabahala ang pagpapaalis ng Kuwaiti government kay Ambassador Renato Villa

by Radyo La Verdad | April 26, 2018 (Thursday) | 3829

Sa state-run Kuwait News Agency (KUNA) unang lumabas ang balita na idineklara ng Kuwaiti government na persona  non-grata si Philippine Ambassador to Kuwait Renato Villa.

Binibigyan si Villa ng isang linggo para bumalik ng Pilipinas. Kasabay nito ay ni-recall din ng Kuwaiti government ang kanilang ambassador sa Pilipinas.

Ayon sa KUNA, ang hakbang na ito ng pamahalaan ng Kuwait ay bilang retaliation sa umano’y undiplomatic acts ng ilang Philippine Embassy staff na humihikayat sa mga overseas Filipino worker (OFW) na tumakas mula sa kanilang mga employer

Una nang ipinatawag ng Kuwaiti government si Villa upang pagpaliwanagin tungkol sa ginagawang rescue mission ng embahada na walang koordinasyon sa Kuwaiti government.

Umaasa naman ang Malacañang na hindi na lalala pa ang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait.

Subalit aminado si Presidential Spokesman Secretary Harry Roque na nakakabahala ang desisyon ng Kuwait sa isyu sa kabila nang pag-aakalang naayos na ang gusot nang magpulong sina Pangulong Rodrigo Duterte at Kuwaiti Ambassador to the Philippines Saleh Ahmad Althwaikh.

Hindi rin nawawalan ng pag-asa ang Malacañang na matutuloy pa rin ang pirmahan ng kasunduan sa pagitan ng Pilipinas at Kuwait para sa proteksyon ng mga OFW sa Kuwait.

Ngayong pinauuwi na ang top diplomat ng Pilipinas sa Kuwait, iginiit ni Roque na ang umiiral na international law ang mangangalaga sa kapakananng mga OFW doon.

Batay sa DFA, tinatayang nasa 250 libong Pilipino ang nasa Kuwait na ang karamihan ay mga domestic workers.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,