Malacañang, iginiit na walang deadlock sa ipinataw na suspensyon kay Overall Deputy Ombudsman Carandang

by Radyo La Verdad | February 2, 2018 (Friday) | 1623

Hinamon ng palasyo si Overall Deputy Ombudsman Melchor Arthur Carandang na maghain ng petisyon sa korte kung sa tingin niya ay hindi nararapat ang ipinataw na parusa sa kaniya.

Nanindigan ang Malacañang na si Pangulong Rodrigo Duterte ang pangunahing tagapagpatupad ng batas.

Kaugnay ito sa pagpataw ng palasyo ng 90-day preventive suspension sa opisyal. Una nang kinuwestyon ni Ombudsman Conchita Carpio Morales ang aksyong ito ng Malacañang at sinabing hindi ito ipatutupad.

Ngunit ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, nasa poder ng Pangulo ang pagdisiplina kay Carandang.

Dagdag pa ni Roque, kahit sa panahon ni dating Pangulong Noynoy Aquino ay may mga dinismiss na deputy ombudsman.

Ayon naman sa isang abogado de campanilla, dapat ay may gawin ding aksyon si Ombudsman Carpio Morales laban sa naging hakbang ni Carandang na paglalantad ng mga bank record na anito’y galing sa Anti-Money Laundering Council subalit kinalaunan ay itinanggi ng naturang opisina.

Bukod dito, hindi rin dapat aniyang manahimik si Carandang hinggil sa isyu.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,