Malacañang, hiniling na igalang ang desisyon ng Korte Suprema na patalsikin si Cj Sereno

by Radyo La Verdad | May 11, 2018 (Friday) | 20102

Nagsalita na ang Korte Suprema bilang final arbiter ng batas sa bansa.

Kaya nanawagan si Presidential Spokesman Harry Roque na igalang ang naging desisyon ng kataas-taasang hukuman na pagbigyan ang hiling na patalsikin ang punong mahistrado na si Maria Lourdes Sereno sa pamamagitan ng quo warranto petition.

Dagdag pa ni Roque, ang Korte Suprema bilang isang sangay ng pamahalaan ay may bukod na kapangyarihan at tungkuling itaguyod ang ating konstitusyon. Kaya ang desisyon ng Korte ay patunay aniyang nakapangyayari ang batas sa bansa.

Samantala, binigyang-diin naman ni Chief Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo na kahit hindi sang-ayon ang iba sa desisyon ng Supreme Court (SC), kailangan pa rin itong sundin dahil ito ang patunay na umiiral ang demokrasya sa bansa.

Nanindigan din si Panelo na hindi lang impeachment ang paraan para mapatalsik ang isang “impeachable officer”. Wala pang impormasyon ang opisyal sa kung sino ang napipisil ni Pangulong Rodrigo Duterte na hahaliling bagong chief justice.

Samantala, ikinabahala naman ni Vice President Leni Robredo ang magiging epekto ng desisyong ito ng SC.

Aniya, tahasang pagyurak sa konstitusyon ang naging hakbang na ito ng mga mahistrado.

Sa nangyaring ito, nakumpormiso na ang pundasyon ng hudikatura kaya nangangamba ang pangalawang pangulo na baka wala na umanong matakbuhan ang mga Pilipino para humingi ng hustisya.

Nanawagan ito sa publiko na bantayan ang mga susunod na pangyayari sa Korte Suprema at makiisa sa pagtatanggol sa demokrasya.

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,