Malacañang, hinikayat ang Ombudsman na imbestigahan ang mga opisyal na nasangkot sa katiwalian na nag-resign

by Radyo La Verdad | May 22, 2018 (Tuesday) | 4310

Walang kumpirmasyon si Presidential Spokesman Secretary Harry Roque kung isa si Cesar Montano sa mga inutusan ni Pangulong Rodrigo Duterte na magbitiw sa pwesto.

Kahapon, isinumite ni Montano ang kanyang resignation letter bilang chairman ng Tourism Promotion Board (TPB) at kinumpirma ng Malacañang na tinanggap ito ng punong ehekutibo,

Kasunod ito ng suspensyon sa “Buhay Carinderia” food tourism project matapos kwestyunin ang 320 milyong piso na pondong inilaan dito na hindi umano dumaan sa bidding process. Bago si Montano, una ng nagbitiw sa pwesto si dating Tourism Secretary Wanda Teo.

Kamakailan, tinanggal ni Pangulong Duterte sina Transportation Assistant Secretary Mark Tolentino, Justice Asec. Moslemen Macarambon at DPWH Asec. Tingagun Umpa.

Hinikayat naman ni Roque ang Office of the Ombudsman na imbestigahan ang lahat ng mga isyung kinasasangkutan ng mga opisyal ng pamahalaan na nagbitiw sa pwesto.

Samantala, ipinauubaya na ng Malacañang kay Tourism Secretary Bernadette Romulo-Puyat ang paglilinis sa kagawaran.

Kaugnay ito sa mga natuklasang kontrobersyal na transaksyon na pinasok ng DOT sa panahon ni Teo.

Ayon kay Roque, may karapatan si Puyat na bumuo ng sariling management team para sa mga proyektong isinusulong nito kabilang na ang paglalagay ng mga panibagong assistant at undersecretaries.

Suportado rin aniya ni Pangulong Duterte ang hakbang ni Puyat na pag-apela sa Commission on Audit (COA) na dagdagan ang mga state auditor na mag-iimbestiga sa lahat ng proyekto ng Department of Tourism (DOT).

 

( Rosalie Coz / UNTV Correspondent )

Tags: , ,