Welcome development para sa Armed Forces of the Philippines ang pahayag ni Chinese Foreign Minister Wang Yi na pagpapatigil ng China sa reclamation activities sa West Philippine Sea.
Ngunit ayon sa Malakanyang, nakukulangan sila sa ginawang pahayag na ito ng China.
Dahil wala namang binabanggit ang China na pagpapatigil sa ginagawa nitong konstruksyon ng pasilidad sa pinagtatalunang teritoryo.
Sa pahayag ng Department of Foreign Affairs, inanunsyo ng China ang umano’y pagpapatigil sa reclamation activity noong nakaraang linggo lamang, dahil tapos na ang reclamation work.
Gaya ng inihayag na ni DFA Secretary Albert del Rosario sa 48th ASEAN Foreign Minister Meeting sa Malaysia na ginaganap ngayong linggo, dapat ipatigil ng China ang lahat ng kontruksyon sa West Philippine Sea.
Kaugnay nito, welcome naman sa Palasyo ang ginawang paghahayag ng ASEAN Members state na itigil na ng China ang reclamation activities sa West Philippine Sea.
Pangunahing ipinupunto ng Pilipinas sa mga International Forum at ASEAN Summit ang pagsusulong ng legally binding code of conduct para sa mapayapang resolusyon sa isyu ng agawan ng teritoryo.
Nakakuha naman ng suporta ang Pilipinas sa International Community, tulad ng G7 Countries, European Union at ASEAN Members State na dapat kilalanin ng China ang Declaration of Code of Conduct sa West Philippine Sea at maisulong ang freedom of navigation at mapanatili ang estabilidad sa rehiyon.
Hinihintay na rin ng Pilipinas ang magiging ruling ng International Tribunal sa jurisdiction issue matapos na dinngin ng International Court noong July 2015.
Umaasa naman ang Malakanyang na ipagpapatuloy ng susunod na administrasyon ang polisiya na ito sa paglutas sa isyu sa West Philippine Sea. (Nel Maribojoc/ UNTV News)
Tags: Chinese Foreign Minister Wang Yi, DFA Secretary Albert del Rosario