Malacañang, binuweltahan si VP Binay dahil sa paninisi nito sa gobyerno kaugnay ng pagbitay kay Joselito Zapanta

by Radyo La Verdad | January 6, 2016 (Wednesday) | 1549

EDWIN-LACIERDA
Binuweltahan ng Malacañang ang ginawang paninisi ni Vice President Jejomar Binay sa gobyerno kaugnay ng kaso ni Joselito Zapanta na binitay sa Saudi Arabia noong nakaraang buwan.

Ito ay matapos na sabihin ni VP Binay na hindi umano pinansin ng gobyerno ang kaniyang panukala hinggil sa blood money.

Ayon kay Presidential Spokesperson Edwin Lacierda, huwag na lang aniyang gawing pulitika ang nangyari kay Zapanta.

Dagdag pa ni Lacierda, kapag mayroong naililigtas na Pilipino sa deathrow sa ibang bansa ay kinukuha nito ang kredito na maging ang pagkakaligtas aniya kay Mary Jane Veloso kung saan namagitan mismo si Pangulong Aquino sa Presidente ng Indonesia.

Kapag mayroon namang nasawi aniya ay sinasabing kasalanan ng gobyerno.

Hindi nailigtas ang buhay ni Zapanta matapos bigong malikom ng pamilya nito ang P48M na blood money na kahilingan ng pamilya ng Sudanese na napatay nito noong 2009.

Umabot lamang sa P23M ang nalikom na hindi tinanggap ng pamilya ng napatay na Sudanes National.

(Jerico Albano / UNTV Radio Correspondent)

Tags: ,