Malacañan, hindi nababahala sa pagbaba ng satisfaction ratings ng Pangulo

by dennis | April 6, 2015 (Monday) | 4680
File photo
File photo

Hindi ikinabahala ng Malakanyang ang naitalang pagbaba ng public satisfaction rating ni Pangulong Benigno Aquino III.

Sa isinagawang survey ng Social Weather Stations nitong ika-20 hanggang 23 ng Marso, bumagsak ng 11% o katumbas ng 28 points ang satisfaction rating ng Pangulo mula sa 39% noong Disyembre ng nakaraang taon.

Ayon kay Presidential communication Secretary Herminio Coloma Jr., bagamat bumaba ang satisfaction rating ng Pangulo, mas maraming bilang naman ng mga Pilipino ang nagtitiwala sa pamumuno at mga nagnanais na manatili sa pwesto si Pangulong Aquino.

Lumabas rin sa bagong SWS survey, na nasa limampung porsyento ng mga Pilipino ang hindi sangayon sa panawagan ng ilang grupo na magbitiw sa pwesto ang Pangulo.

Sinabi pa ni Coloma na patuloy silang magpapaliwanag at makikipagugnayan sa ilang grupo na nananawagan na magresign ang Pangulo.

Ayon pa sa kalihim, sa natitirang 15 buwan ng administrasyon, patuloy na isusulong ng Aquino administrastion ang mga mahahalagang programa katulad ng paglikha ng mga trabaho at pagpapababa sa bilang ng mga mahihirap.

Isinagawa ang survey sa kalagitnaan ng isyu ng January 25 Mamasapano operation.(Nel Maribojoc/UNTV Correspondent)

Tags: , , , ,