Makabagong teknolohiya para sa drainage system, gamit ng DPWH para gawing daluyan ng tubig ulan sa Boracay

by Radyo La Verdad | August 2, 2018 (Thursday) | 5379

High density polyethylene plastic, ito ang materyales na bunga ng makabagong teknolohiya na ginagamit ngayon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa inilalatag na drainage system dito sa Boracay Island.

Ayon kay DPWH Sec. Mark Villar, ito ang magiging storm drain o daluyan ng tubig ulan na ipinampalit sa lumang drainage system na makikita sa mga gilid ng kalsada.

6 na metro ang haba at 1.2 na metro ang lapad, mas mahaba at mas malaki ito kumpara sa karaniwang ginagamit ng DPWH na reinforced concrete pipe na may haba lamang na 1 metro.

Ayon sa DPWH, isa ang Boracay Island sa unang malalagyan ng pipes na bunga ng German technology.

Kumpiyansa ang kalihim na masusulusyunan nito ang problema ng pagbaha sa Boracay lalo na kapag panahon ng tag-ulan.

Isa rin sa katangian ng high density polyethylene ay ang kakayanan nito na i-contain ang mga man-made chemicals at solid waste upang maiwasan ang leakage at contamination sa lupang naka paligid dito.

Ang drainage project ay may haba na 5 kilometro at kabuoang pondo na 540 milyong piso.

 

( Vincent Arboleda / UNTV Correspondent )

Tags: , ,