Mahigpit na pagpapatupad sa anti-age discrimination law, isinulong ng DOLE

by Radyo La Verdad | June 27, 2018 (Wednesday) | 5395

Tutol ang mga employer sa pagpapatupad ng anti-age discrimination law. Pero wala silang magawa kundi sumunod dahil ito ang batas na pinaiiral sa bansa.

Isa ang displaced na overseas Filipino worker (OFW) na si Mang Rommel sa medyo hirap makakuha ng trabaho. Sa kanyang edad na 51, nagbabakasali siya na makakuha pa ng trabaho lalo na at hindi magtatagal ay mauubos na ang kaniyang ipon.

Ang mga katulad ni Mang Rommel ang nais tulungan ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa pagpapatupad ng anti-age discrimination law.

Ayon sa batas, mahigpit na ipinagbabawal sa mga kompanya at employer na magtakda at gawing batayan ang edad sa pagtanggap ng mga aplikante.

Hindi rin dapat pilitin ang isang aplikante na ilagay ang kaniyang edad sa resume kung ayaw nito. Hindi rin dapat gawing batayan ang edad para sa promotion ng isang empleyado. Ipinagbabawal rin ang paglathala sa media ng age requirement sa mga iniaalok na trabaho.

Ayon kay DOLE Director Tess Cucuenco, isang diskriminasyon ang pagtingin sa edad, mas dapat pagbatayan ang kasanayan o skills at educational attainment.

Magmumulta ang employer, kumpaya maging ang publisher ng 50 to 500 libong piso o kaya ay pagkakakulong ng 3 buwan hanggang dalawang taon.

Ang panawagan ng DOLE isumbong sa kanilang tanggapan kung makakaranas ng diskriminasyon sa edad.

Maaaring itawag ang reklamo direkta sa DOLE Hotline Number 1349.

 

( Mon Jocson / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,