Mahigit P55 million halaga ng “kaldero” para sa 2019 Southeast Asian Games, nakuwestiyon sa Senado

by Radyo La Verdad | November 19, 2019 (Tuesday) | 14072

Aabot sa 16.5 billion pesos ang kabuuang halaga ng gastos ng pamahalaan sa hosting ng Pilipinas sa 2019 Southeast Asian Games.

Nabusisi ni Senate Minority Leader Franklin Drilon sa deliberasyon sa budget ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) ang gastos ng pamahalaan sa cauldron o kaldero na gagamitin sa Asian Games. Kabuuang 55 million pesos umano ang magagastos ng pamahalaan dito.

Depensa ni Senator Sonny Angara, nasa 50 million pesos lang kung tutuusin ang gastos.

 “The kaldero is made of steel which is why accounts for its high cost,” ani Sen. Sonny Angara.

Hindi naman kumbinsido si Senator Drilon sa naging paliwanag ng BCDA.

“Masyadong extravagant ang mahiwaga at pinakamalaki at pinakamahal na kaldero sa buong mundo sa kasaysayan ng ating bansa – P55 million para sa kaldero,” sinabi ni Sen. Franklin Drilon, Senate Minority Leader.

Ayon naman sa President and CEO ng BCDA na si Vince Dizon, hindi lang naman sa Asian Games magagamit ang mga modernong pasilidad na itinayo.

“I’m talking about world’s class sports facilities not only be used for games such as the Southeast Asian Games but also can be used to serve as the training hub of our athletes,” ani Vince Dizon.

Ayon kay Sen. Drilon, papalipasin muna niya ang SEA Games, pagkatapos nito ay maghahain siya ng resolusyon upang imbestigahan ang paggastos na ito. Nanawagan rin siya sa Commission on Audit na magsagawa ng special audit sa mga ginastos sa SEA Games.

(Nel Maribojoc | UNTV News)

Tags: , , , , ,