Mahigit 8,000 aspiring lawyers, nakakumpleto ng bar exams hanggang sa huling araw nito kahapon

by Radyo La Verdad | November 26, 2018 (Monday) | 8815

Mapayapang natapos kahapon ang 2018 bar exams sa University of Sto. Tomas kung saan mahigit walong libong aspiring lawyers mula pa sa iba’t-ibang panig ng bansa ang nagpursige sa loob ng apat na magkakasunod na linggo ngayong Nobyembre.

Sa tala ng Office of the Bar Confidant 8, 701 applicants ang naging kwalipikado upang makakuha ng bar exams nguni’t may ilang nabawas sa mga ito sa mga nakalipas na linggo.

Pagpatak ng alas sais kagabi, sunod-sunod nang naglabasan ang bar examinees, kitang-kita sa mga ito ang tuwa na natapos nila ang bar exams.

Sa kabilang lane, sa harap ng UST naghihintay naman ang mga kabigan, kaanak at mga kamag- aral ng mga aspirants dala-dala ang mga banner, bulaklak at mga poster ng kanilang mga pambato.

Galing man sa iba’t-ibang pamantasan at larangan, tagumpay para sa lahat ang hangad ng bawa’t isa. Aminado mang mahirap ang bar exams, umaasa ang mga itong makakapasa.

Ang ilan naman sa mga examinee na galing pa ng ibang probinsya, excited ng makauwi, dahil simula pa Hunyo ay lumuwas na sila ng Maynila upang makapag-review lang at matutukan ang bar exams.

Pabor at praktikal para kay Joyce na galing Bohol ang panukalang magkaroon din ng bar exams sa mga probinsya upang hindi na dumayo pa sa Maynila.

Ayon sa Supreme Court Bar exam committee, mas marami ng dalawang libo ang examinees ngayong taon kumpara ng taong 2016 at 2017.

Saklaw ng bar exams ang walong subjects gaya ng political law, civil law, taxation, labor law, remedial law, mercantile law at legal and judicial ethics

Inaasahan namang lalabas ang resulta ng bar exams sa huling linggo ng Abril o unang linggo ng Mayo sa susunod na taon.

 

( Aiko Miguel / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,