Mahigit 700 pamilya sa Basilan, lumikas dahil sa operasyon ng militar

by Radyo La Verdad | August 7, 2018 (Tuesday) | 9708

Lumikas ang nasa 704 pamilya mula sa barangay ng Languyan, Tuboran Proper, Buton at Langong sa bayan ng Mohammad Ajul, Basilan.

Bunsod ito ng pinaigting na operasyon ng militar sa lugar kasunod ng pagsabog ng bomba sa Lamitan noong isang linggo.

Ayon kay Mohammad Ajul Mayor Mucarma Pawaki, layunin ng operasyon na tugisin at mahuli ang mga pinaniniwalaang responsable sa pambobomba na ikinamatay ng sampung tao.

Nagsimula ang operasyon noong Sabado at sa ngayon ay nahuli na aniya ng mga sundalo ang isang indibiduwal na maaari umanong makapagtuturo sa mga tunay na salarin sa pagsabog.

Dagdag pa ni Pawaki, kusang lumikas ang mga residente ngunit aminado ito na wala silang inihandang evacuation center kaya sa kani-kanilang kamag-anak na lamang sila nagtungo.

Panawagan ng alkalde sana ay magbigayan sila ng tulong tulad ng pagkain at iba gamit para sa mga internally displaced person.

Handa namang magpatupad ng mahigpit na seguridad ang Zamboanga City Police sakaling lumikas sa lungsod ang mga residente ng Mohammad Ajul.

 

( Dante Amento / UNTV Correspondent )

Tags: , ,