Mahigit 6,000 residente ng Valenzuela City, nawalan ng suplay ng tubig dahil sa nasirang Maynilad pipe line

by Radyo La Verdad | June 22, 2018 (Friday) | 9044

Bandang alas diyes kagabi ng masira ang isang water pipe line ng Maynilad sa bahagi ng M.H. del Pilar street, Barangay Palasan, Valenzuela.

Ayon kay Maynilad Spokesperson Grace Laxa, posibleng aksidenteng tinamaan ang kanilang tubo habang nagsasagawa ng road repair sa lugar ang DPWH.

Hindi naman agad dumating sa lugar ang mga tauhan ng Maynilad upang maayos ang sira.

Inaasahan ng Maynilad na matatapos ang pagkukumpuni sa nasirang pipe line at maibabalik ang serbisyo ng tubig ngayong araw.

Pero babala ng Maynilad, kahit naayos na ang nasirang tubo, huwag agad inumin ang tubig lalo na kung ito ay malabo pa.

Nagpadala naman ang Maynilad ng tatlong water tankers sa lugar upang mag-suplay ng tubig sa mga residente.

 

( Asher Cadapan Jr. / UNTV Correspondent )

Tags: , ,