Mahigit 600 residente sa Apalit Pampanga, napaglingkuran sa medical mission ng Members Church of God International at UNTV

by Radyo La Verdad | October 29, 2018 (Monday) | 9117

Isa ang bayan ng Apalit sa Pampanga sa mga naapektuhan ng pananalasa ng Bagyong Ompong sa bansa noong Setyembre. 470 na mga residente sa bayan ang naperwisyo matapos na mapinsala ang nasa walong milyong pisong halaga ng mga pananim sa kanilang lugar.

At dahil hanggang ngayon ay patuloy pa ring bumabawi ang mga ito sa pinsala ng kalamidad, halos sa pang-araw-araw lamang na pangangailangan ang pangunahin nilang pinagkakagastusan. Kaya kahit pa may dinaramdam ay hindi na nila magawang magpatingin sa doktor.

Kaya naman sinamantala ni Mang Eulogio ang isinagawang medical and dental mission ng Members Church of God International (MCGI), UNTV at kanilang partners in public service sa Brgy. Cansinala, Apalit Pampanga kamakailan.

Mahigit animnaraang mga Kapampangan ang natulungan sa libreng medical consultation, bunot ng ngipin, electro cardiogram at legal consultation. May nabigyan rin ng mga libreng salamin sa mata.

Samantala, limandaan at walumpu’t walong mga Bulakenyo rin ang napagkalooban ng libreng serbisyo na isinawa ng grupo sa kaparehong event sa Brgy. Banga Elementary School sa Meycauayan, Bulacan noong ika-19 ng Oktubre.

Ito ang kauna-unahang medical at dental mission na ginawa ng MCGI at UNTV sa naturang lugar.

Umaasa naman ang mga residente na hindi ito ang huling pagkakataon na mabibisita at mapagkakalooban sila ng tulong ng grupo.

 

( Leslie Huidem / UNTV Correspondent )

 

Tags: , ,