Sa barangay Sucad, Apalit, Pampanga lumaki at nagkaisip si Lola Macaria Diaz. Sa edad na walumput anim, kakambal na ng kaniyang katandaan ang karamdaman.
Namamasukan sa Maynila bilang kasambahay ang kaniyang nag-iisang anak na babae. Balo na rin ng ilang taon kaya mag-isa na lamang siya sa kanilang tahan.
Tanging kasama niya ngayon ang karamdamang hindi nagpapatulog sa kaniya sa gabi-gabi ng kaniyang pag-iisa. Anim na taon na siyang pinahihirapan ng sakit na diabetes.
Ayon kay Lola Macaria sa pagkain pa nga lang ay hirap na silang mairaos sa araw-araw paano pa kaya ang pang maintenance na gamot na kailangan niya para maibsan ang sakit na kaniyang nararamdaman.
Naibsan ang bigat na nararamdaman ni Lola Macaria nang makarating sa kanilang lugar sa kauna-unahang pagkakataon ang libreng medical mission ng UNTV at Members Church of God International.
Isa lamang si Lola Macaria sa mahigit tatlong daang residente ng Sucad Apalit, Pampanga sa nabiyayaan ng medical at dental mission.
Kasama sa mga serbisyong ipinagkaloob ang ECG, legal consultation at namigay din ng libreng mga gamot at libreng salamin sa mata.
( Leslie Longboen / UNTV Correspondent )